
Ipinahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na handang magbigay ng proteksyon ang kanyang tanggapan kay dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co sakaling bumalik ito sa Pilipinas, kahit may mga kasong graft at malversation itong kinahaharap.
Pinabulaanan ng Ombudsman ang mga ulat na nakabalik na si Co at iginiit na nananatili ang kanilang alok ng seguridad dahil sa posibleng banta sa buhay nito kaugnay ng flood control fund scandal.
Nagpapatuloy ang motu proprio investigation ng Ombudsman sa mga opisyal na pinangalanan ni Co sa kanyang mga video, kabilang ang ilang dating Cabinet at House officials.
Binubusisi rin ang umano’y sabwatan sa plunder scheme, habang pinag-aaralan ng DOJ ang posibleng pagkuha ng state witness mula sa mga nasasangkot.
Naghahanda na rin ang Ombudsman na maglabas ng subpoena sa ilang senador na may nakabinbing reklamo.
Bilang tugon sa panawagan ng publiko, plano ng tanggapan na i-livestream ang preliminary investigations para matiyak ang transparency.










