Tiwala si Ombudsman Jesus Crispin Remulla na babalik sa Pilipinas sina Senator Loren Legarda at Batangas Representative Leandro Leviste matapos ang kanilang magkahiwalay na biyahe patungong France. Ang mag-ina ay nasa ilalim ng imbestigasyon kaugnay ng mga reklamong plunder at graft na may kaugnayan sa umano’y kabiguang maipatupad ng kanilang renewable energy firm ang mga obligasyon nito sa ilalim ng congressional franchise.

Ayon kay Remulla, posibleng maharap sa mas mabigat na hakbang ang dalawa kung hindi sila babalik sa bansa. Nauna namang sinabi ng National Bureau of Investigation na bumiyahe si Legarda patungong France habang dumaan naman sa Hong Kong si Leviste bago nagtungo sa naturang bansa.

Samantala, nilinaw ni Legarda na ang kanyang pag-alis ay saklaw ng pormal na medical leave na inaprubahan ng Senado at hiniling sa publiko na huwag iugnay ang kanyang biyahe sa mga aniya’y walang basehang alegasyon laban sa kanya. Nauna ring nagsampa ang Department of Energy ng reklamo laban kay Leviste at ilang opisyal ng Solar Para sa Bayan Corporation dahil sa umano’y paglabag sa Public Service Act.