
Nagsampa ang Office of the Ombudsman ng malversation complaint laban kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co at ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng umano’y ₱77-milyong ghost flood control project sa Bulacan.
Ayon sa Ombudsman, idineklarang 100% completed noong Mayo 2, 2025 ang proyekto para sa riverbank protection structure sa Balagtas River sa Barangay San Juan, Balagtas, ngunit nang inspeksyunin ay natuklasang wala itong aktuwal na konstruksyon.
Kabilang sa mga kinasuhan sina Co at ilang DPWH officials at staff nito. Samantala, hindi isinama sa pagsasampa ng kaso si Henry Alcantara matapos siyang mapasailalim sa witness protection program.
Ayon sa Ombudsman, paulit-ulit na inaprubahan ang mga bayad sa contractor na SYMS Construction Trading kahit may iregularidad sa mga dokumento. Inakusahan din si Alcantara na nangolekta umano ng kickback at iniabot ito kay Co upang maisingit ang proyekto sa national budget.
Samantala, ibinasura ng Ombudsman dahil sa kawalan ng probable cause ang hiwalay na reklamo laban kina Co, Alcantara, at iba pa sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.










