Nanindigan ang Office of the Ombudsman na nakabatay sa ebidensya ang kasong plunder na inihain laban kay Senador Rodante Marcoleta.

Binigyang-diin ng Ombudsman na mismong ang senador na ang umamin na tumanggap siya ng cash donations na nagkakahalaga ng P75 milyon.

Ang naturang donasyon, ayon sa Tanodbayan, ay hindi rin idineklara ng senador sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).

Binalikan ng Ombudsman ang naging pahayag ni Marcoleta tungkol sa ‘utang na loob’ at iginiit na hindi ito dapat maging matimbang sa isang opisyal ng gobyerno tulad ng senador.

Giit ng Tanodbayan, dapat ay walang ‘personal debt’ ang isang public servant sa sinumang donor, na mas inuuna pa o mas matimbang pa kaysa sa utang ng mga ito sa mga Pilipino na kanilang pinagsisilbihan.

-- ADVERTISEMENT --

Katwiran ng naturang opisina, sa oras na ang ‘utang na loob’ ay magamit upang pagtakpan ang P75 million na hindi naideklarang pera, tumitigil na ito bilang ‘utang na loob’ at sa halip ay isa nang krimen.

Ito ang dahilan aniya kaya’t nagawa ang plunder at bribery laws sa Pilipinas.

Kinikilala rin ng Tanodbayan na naging sentro ng matinding diskurso ang kaso at iginagalang nito ang karapatan ng bawat isa na magpahayag ng saloobin at magsagawa ng mapayapang pagtitipon.

Gayunpaman, hiniling nitong hayaan ang batas at ebidensya na maging batayan sa paghusga sa kaso.

Ngayong araw (July 3) ay itinuloy ng Ombudsman ang pagsasampa ng kaso sa kabila ng naunang rally na isinagawa ng Iglesia ni Cristo at ng iba pang supporter ni Marcoleta.