Pinuna ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa dahil sa umano’y muli nitong pagtatago upang makaiwas sa arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court o ICC.

Ayon kay Remulla, ang pagtatago umano sa batas ay indikasyon ng pagkakaroon ng pananagutan at dapat harapin ni Dela Rosa ang mga akusasyon laban sa kanya.

Nahaharap si Dela Rosa sa kasong crimes against humanity kaugnay ng mga nasawi sa kampanya kontra droga noong panahon ng administrasyong Duterte, kung kailan nagsilbi siyang hepe ng Philippine National Police.

Noong nakaraang Nobyembre, sinabi ni Remulla na mayroon nang arrest warrant laban kay Dela Rosa. Mula noon ay hindi na umano regular na dumalo sa sesyon ng Senado ang senador.

Muling nagpakita si Dela Rosa nitong Lunes upang dumalo sa sesyon ng Senado at bumoto sa pagpapalit ng liderato ng Senado kung saan nahalal si Senador Alan Peter Cayetano bilang Senate President.

-- ADVERTISEMENT --

Bago ang botohan, tinangka ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation na arestuhin si Dela Rosa sa bisa ng warrant mula sa ICC.

Matapos nito, isinailalim siya sa protective custody ng Senado ngunit umalis din umano noong Huwebes ng madaling araw matapos ang insidente ng pamamaril sa Senado noong Miyerkoles ng gabi.

Iginiit ni Remulla na dapat harapin ni Dela Rosa ang proseso ng batas at sagutin ang mga paratang laban sa kanya.