Iginiit ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na tuloy ang paghahain ng kasong plunder laban kay Senador Rodante Marcoleta, sa kabila ng isinagawang kilos-protesta ng ilang miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa EDSA.

Ayon kay Remulla, walang nagbago sa plano ng kanilang tanggapan at nakatakda pa ring ihain ang kaso kaugnay ng umano’y hindi idineklarang P75 milyong campaign contributions ng senador. Aniya, bagama’t iginagalang niya ang karapatan ng mga nagpoprotesta na magpahayag ng kanilang saloobin, mali umano ang batayan ng kanilang pagkilos.

Binigyang-diin din ng Ombudsman na hindi pinipili ng kanyang tanggapan ang mga iniimbestigahan at walang isinasagawang selective justice. Aniya, tanging pagtupad lamang sa kanilang mandato ang kanilang ginagawa.