Nilinaw ni Education Secretary Sonny Angara na hindi pa maaaring gawing malawakang alternatibo ang online classes sa gitna ng pangamba ng ilang magulang sa kaligtasan ng kanilang mga anak sa paaralan.

Ayon kay Angara, may ilang paaralan na nag-aalok ng online learning ngunit hindi pa ito agad maipatutupad sa buong bansa dahil sa limitadong internet connectivity at kakulangan ng maraming pamilya sa kinakailangang gadgets at teknolohiya.

Sa halip, sinabi ng kalihim na mas pagtutuunan ng DepEd ang pagpapalakas ng seguridad sa mga paaralan sa pamamagitan ng dagdag na police visibility, security guards, metal detectors, CCTV cameras, at iba pang safety measures upang matiyak ang ligtas na face-to-face classes ng mga estudyante. Ang hakbang ay kasunod ng mga insidente ng karahasan at banta sa ilang paaralan, kabilang ang pamamaril sa Tacloban at mga maling ulat ng school threats sa Quezon City at Cebu City.