TUGUEGARAO CITY- Bumuo na ng task group ang PNP Ifugao kaugnay sa pamamaril sa isang online journalist sa Lagawe, Ifugao noong gabi ng August 6, 2019.

Sinabi ni Police Major Ernesto Bikesan, hepe ng PNP Lagawe na hanggang ngayon blangko pa sila kung sino ang bumaril kay Brandon Lee, 37, manunulat sa online media outfit na Northern Dispatch at miembro ng Ifugao Peasant Movement.

Ayon kay Bikesan, palabas na umano sa kanilang bahay sa Sitio Dugong, Tungod, Lagawe si Lee ng pagbabarilin siya kung saan ay nagtamo siya ng tatlong tama ng baril.

Sinabi ng opisyal na nasa maayos nang kalagayan si Lee matapos siyang operahan sa Baguio City.

Samantala, mariing pinabulaanan naman ng 5th Infantry Division, Philippine Army na nakabase sa Gamu, Isabela na mga sundalo ang nasa likod ng pamamaril kay Lee.

-- ADVERTISEMENT --

Reaksion ito ni Major General Pablo Lorenzo, commanding officer ng 5th ID sa pag-uugnay sa kanila ng Bayanmuna at Akbayan sa pagbaril kay Lee.

Binigyan diin ni Lorenzo na walang basehan ang alegasyon ng dalawang grupo dahil bago ang insidente ay nakipag-ugnayan pa ang 54th Infantry Battalion kay Lee para sa isasagawang joint caravan kasama ang non-government organization para sa paghahatid ng serbisyo sa Ifugao tulad na lamang ng pagpapaliwanag ukol sa karapatang pantao, kalikasan at sa agrikultura na mga advocy ni Lee.