Nagbabala sa publiko ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na iwasang pumatol sa Online Lending Apps o OLA sa oras ng kagipitan dahil sa malupit na karanasang naiulat ng mga nabiktima at pamilya nito.

Kumpara sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na tuluyan nang nai-ban sa bansa dahil sa mga iligal na gawain tulad ng investment at love scam na karaniwang mga taga-ibayong dagat ang binibiktima, ang OLA ay mga mahihirap na Pilipino ang ­matinding tinatamaan dahil sa ­kagipitan.

Bukod sa advance interest, lalo pang lumulubog sa obligasyon ang Pilipinong nangutang sa ipinapataw na 35-40% na interes dahil kada buwan ay patung-patong pa ito hanggang sa higit doble na sa kapital ang tubo.

Dahil din sa requirements na ibigay sa ­lending company ang detalye ng contact, email, payslip at social media account ng nangungutang, naha-harass sila upang mapahiya sila sa publiko sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe sa kanilang mga kaibigan at katrabaho sa pamamagitan ng text, email at social media, maging ang paggamit ng artificial intelligence na magpapakita sa nangu­ngutang sa isang kahiya-hiyang sitwasyon tulad ng mga sekswal na video na nagiging dahilan ng depression at nakapagtala na sila ng anim na nagpatiwakal.

Habang ang mga krimen na ginawa ng mga dayuhang POGO indibidwal ay nakadirekta laban sa kanilang mga kapwa dayuhan, sa kaso ng OLA, ito ay Pilipino laban sa Pilipino, kahit na posible na ang mga dayuhan sa likod ng POGO ­operation ay maaaring nasa likod din ng OLA operasyon gamit ang mga Pilipino bilang keyboard warriors, sabi ni Cruz.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa ni Executive Director Secretary Gilbert Cruz na matinding pagkasira ng buhay ng Pilipino bukod sa OLA, ang online gambling na sinusuportahan niya ang total ban.