
Maaaring magsimulang magparehistro online ngayong alas-2 ng hapon ng Hulyo 5 ang mga nais personal na manood ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado, ayon kay Senate Secretary Renato Bantug Jr.
Sa ilalim ng Visitor Management System ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms, maglalaan ng 151 upuan sa session hall, kung saan 45 ay para sa mga imbitado ng prosecution, 45 para sa defense, at 61 naman para sa pangkalahatang publiko. Layunin ng sistema na tiyakin ang seguridad ng mga senador, kawani, media, mga bisita, at publiko.
Ayon kay Bantug, wala pang abiso mula sa kampo ni Duterte kung personal itong dadalo sa pagbubukas ng paglilitis sa Lunes. Nilinaw din niyang hindi obligado ang bise presidente na humarap sa impeachment court sa unang araw ng trial.
Tiniyak naman ng Senado na nakahanda na ang lahat ng seguridad at preparasyon para sa maayos na pagsisimula ng impeachment proceedings laban kay Duterte.









