Nanawagan ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPRU ng *organisado, maayos at mapayapang halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM, bago ang kauna-unahang parliamentary elections sa rehiyon.

Ayon kay Presidential Adviser Mel Senen Sarmiento, mahalaga ang pakikipagtulungan ng mga political party, kandidato, komunidad, election officials at security forces upang matiyak ang malaya, kredible, tapat, transparent at mapayapang pagpili ng mga lider ng Bangsamoro.

Itinuturing ni Sarmiento na mahalagang milestone sa peace process ang unang parliamentary elections ng BARMM, na isinagawa alinsunod sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro at Bangsamoro Organic Law.

Samantala, umaasa ang Commission on Elections o Comelec sa 65 hanggang 70 porsiyentong voter turnout sa halalan. May kabuuang 2.393 milyong rehistradong botante sa BARMM.

Nakatakda ang kauna-unahang parliamentary elections sa BARMM sa Setyembre 14, kung saan pipili ang mga botante ng mga kinatawan sa Bangsamoro Parliament. Kabuuang 78 winning candidates ang nakatakdang maiproklama, kasama ang dalawang kinatawan ng Non-Moro Indigenous Peoples o NMIPs.

-- ADVERTISEMENT --