TUGUEGARAO CITY-Pansamantalang nilimitahan ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang kanilang tatanggaping pasyente sa kanilang operating room complex dahil positibo sa covid-19 ang ilan sa kanilang healthcare workers.
Ayon kay Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng CVMC, kasalukuyang naka-admit ang mga nagpositibong staff dahil sa virus kung kaya’t kailangan nilang bawasan ang mga tatanggaping pasyente na isasailalim sa operation.
Aniya, tanging ang mga pasyente na extreme emergencies o iyong mga kailangan na talagang operahan lamang ang kanilang tatanggapin sa ngayon habang nagpapagaling ang kanilang mga staff.
Sinabi ni Baggao na kasalukuyan na silang nakikipag-ugnayan sa ibang ospital sa rehiyon lalo na dito sa Cagayan para maipabatid ang kanilang kalagayan para hindi na muna magdala o magrefer sakanila.
Sa ngayon, nasa 102 na staff ng CVMC ang positibo sa virus at ang ilan sa mga ito ay nakatutok sa operating room kung kaya’t kailangan nilang limitahan ang kanilang operasyon.
Paliwanag ni Baggao na muli nilang ibabalik ang dating sitwasyon sa operating complex kapag tuluyan nang gumaling ang kanilang mga staff.
Kaugnay nito, humihingi ng pang-unawa ang duktor sa lahat dahil sa kanilang kondisyon pero kanya namang tiniyak na naibibigay pa rin ng pagamutan ang dekalidad na pagseserbisyo sa kanilang mga pasyente sa kabila ng pandemya.
Samantala, bumaba sa 247 mula sa 270 ang binabantayang covid-19 patients sa CVMC kung saan ang probinsya pa rin ng Cagayan ang may pinakamaraming bilang na umaabot sa 230 at galing sa Tuguegarao City ang may mataas na bilang na nasa 167.
Nasa 13 kumpirmado naman ang mula sa Isabela, isa sa Bayombong Nueva Vizcaya at tatlo sa Tabuk City, Kalinga.
Sinabi ni Baggao na 19 na pasyente kasama ang pitong positibo ang nasa labas pa rin ng covid ward at hinihintay na magkaroon ng bakanteng bed.