Natibag na umano ang sariling mga alegasyon ng ilang miyembro ng “Maleta Boys” at ni Orly Guteza matapos nilang bawiin ang mga naunang testimonya.

Ito’y may kaugnayan sa akusasyon na naghatid ng male-maletang pera kay dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Ayon kay House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong, kuwestyonable na ngayon ang kredibilidad ng naunang paratang dahil sa kanila naman nanggaling ang impormasyon ngunit biglang bumabawi.

Binigyang-diin ni Adiong na maaaring kinakain na ng konsensya ang mga nag-akusa dahil wala umano silang ebidensya at walang katotohanan ang mga sinabi.

Inalala rin nito ang pagkuwestyon noon ni Senador Robinhood Padilla sa kredibilidad ni retired Davao police officer Arturo Lascañas sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kasagsagan ng paglilitis ay iginiit ni Padilla na bakit maniniwala sa isang sinungaling na paiba-iba ang testimonya.

Paliwanag ni Adiong, ang argumento ng senador tungkol sa inconsistent na testimonya ay dapat mai-apply sa mga nag-akusa na ngayo’y binawi ang alegasyon.

Gayunman, nilinaw ng kongresista na ang Ombudsman ang dapat tumukoy sa legal at evidentiary effect ng recantations.