
Sinabi ni House Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega na hindi makaaapekto sa paghahanda ng prosekusyon ang mga petisyong kumukuwestiyon sa bagong vote threshold sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Ortega, inaasahan na nila ang mga legal na hakbang mula sa depensa at magpapatuloy ang kanilang paghahanda sa paglilitis.
Kabilang sa mga naghain ng petisyon sa Supreme Court sina dating Executive Secretary Vic Rodriguez at abogado Ernesto Francisco Jr., na parehong kumukuwestiyon sa September 23 ruling ng Senate impeachment court.
Sa ruling, ibinase ang two-thirds vote sa mga senador na legal at aktuwal na kayang lumahok sa impeachment proceedings, sa halip na lahat ng 24 na miyembro ng Senado.










