
Inalis ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Office of the Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs (OSAPIEA) bilang bahagi ng hakbang upang i-streamline ang mga inisyatiba ng Office of the President (OP) at magkaroon ng mas magkakaugnay na paglapit sa pagtugon sa mga hamong pang-ekonomiya.
Batay sa Executive Order No. 108 na may petsang Enero 26, tuluyang binuwag ang OSAPIEA, na dating pinamumunuan ni Finance Secretary Frederick Go.
Ang mga kapangyarihan, tungkulin, at gawain ng OSAPIEA—maliban sa mga saklaw na ng kapangyarihan, tungkulin, at gawain ng iba pang kaukulang ahensya alinsunod sa kani-kanilang mandato—ay ililipat at isasama na sa Office of the Executive Secretary (OES).
Itinatag ang OSAPIEA noong 2023 sa bisa ng EO No. 49 ni Marcos. Isa itong tanggapan sa ilalim ng OP na layong tiyakin ang epektibong integrasyon, koordinasyon, at implementasyon ng mga patakaran at programa ng pamahalaan sa pamumuhunan at ekonomiya.
Sa ilalim ng EO 49, ang Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs (SAPIEA) ang nagsilbing tagapangulo ng Economic Development Committee (EDCom) at kasapi ng mahahalagang komite ng Economic Development Council (EDC).
Subalit sa ilalim ng EO 108, ang Kalihim ng Pananalapi na ang magsisilbing tagapangulo ng EDCom, habang ang Kalihim ng Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) naman ang magsisilbing vice chair.
Dati ring nagsilbing tagapangulo ng Semiconductor and Electronics Industry Advisory (SEIA) Council ang SAPIEA.
Ang SEIA Council ang pangunahing advisory body ng Pangulo para sa industriya ng semiconductor at electronics, alinsunod sa Administrative Order No. 31 na inilabas noong 2025.
Sa ilalim ng EO 108, ang Executive Secretary na ang magsisilbing tagapangulo ng SEIA Council.










