
Hiniling ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema na ibasura ang hiling ni dating senador Ronald “Bato” dela Rosa para sa isang temporary restraining order (TRO) laban sa umano’y arrest warrant ng International Criminal Court (ICC).
Sa inihaing komento, iginiit ng OSG na walang malinaw na kaso o aktwal na kontrobersiyang inilatag sa petisyon.
Ayon sa kanila, wala pang konkretong aksyon o tahasang banta na magdudulot ng agarang pinsala kay Dela Rosa, at ang kaniyang hakbang ay itinuturing na pag-iwas lamang sa posibleng galaw ng mga ahensiya ng gobyerno kaugnay ng sinasabing ICC warrant.
Noong Nobyembre, humiling si Dela Rosa ng TRO na magbabawal sa gobyerno na tumugon o makipagtulungan sa anumang ICC warrant, red notice, surrender request, o komunikasyon.
Kaugnay ito ng orihinal na petisyon na inihain niya at dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos maaresto ang dating presidente at mailipat sa The Hague.
Sinabi ng OSG na ang petisyon ay nakabatay lamang sa mga ulat ng media at pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla, habang wala pa umanong patunay ng paglabas o pagpapatupad ng ICC ng anumang warrant laban kay Dela Rosa.
Idinagdag din ng ahensiya na ang mga hinihinging remedyo ay personal kay Dela Rosa at dapat sana ay inihain sa hiwalay na petition.
Samantala, iginiit ng kampo ni Dela Rosa na taliwas ang kasalukuyang posisyon ng OSG sa naging postura nito noong naunang panahon, nang umatras ito sa pagrepresenta sa mga kaso ng mga anak ni Duterte dahil sa usaping may kinalaman sa ICC.
Para sa kanilang panig, nagpapakita raw ang mga pahayag ng OSG na may nagaganap na pag-aaral at pag-aksyon ang gobyerno ukol sa isyu, dahilan para sabihing hindi umano haka-haka ang pangamba na maaaring makipagtulungan ang pamahalaan sa ICC.










