Iniulat ng Office of the Vice President (OVP) na umabot sa P20.68 milyon ang nagastos nito para sa mga lokal at banyagang biyahe hanggang Hulyo 2025, kabilang ang gastos para sa seguridad at close-in personnel ni Bise Presidente Sara Duterte.

Ayon kay OVP budget division chief Atty. Kelvin Gerome Tenido, P13.207 milyon ang ginugol sa lokal na biyahe, habang P7.473 milyon naman ang sa mga banyagang biyahe.

Nilinaw ni Tenido na ang halagang ito ay bahagi ng travel budget ng OVP na P62.5 milyon sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act. May natitira pa umanong P24.026 milyon para sa foreign trips at P17.585 milyon para sa local trips.

Binigyang-diin naman ni OVP assistant chief of staff Lemuel Ortonio na sariling gastos ni VP Duterte ang kanyang mga personal na biyahe sa ibang bansa.

Aniya, may travel authority ang lahat ng foreign trips ng Bise Presidente at walang ginamit na pondo ng gobyerno.

-- ADVERTISEMENT --

Para sa 2026 National Expenditure Program, P20 milyon lamang ang panukalang travel budget ng OVP — ang pinakamababa mula 2023, ayon kay Tenido.

Ipinaliwanag niya na ito ay batay sa absorptive capacity o kakayahang gumamit ng pondo ng ahensya.

Hindi pa inilalabas ng OVP ang detalye kung saan at gaano kadalas bumiyahe si VP Duterte sa mga opisyal at personal na lakad.