Overseas Workers Welfare Administration

TUGUEGARAO CITY-Humigit kumulang 200 overseas Filipino workers (OFWs) ang napauwi na ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)-Region 02 dito sa probinsiya ng Cagayan na unang nastranded sa Metro Maynila dahil sa banta ng Coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay OIC Regional Director Luzviminda Tumaliuan ng OWWA-Region 02, bago ang pagbigay ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na kailangang maiuwi ang mga OFWs sa kanilang mga lugar ay una ng nagsundo ang ahensiya sa lungsod ng Maynila.

Aniya, sa pakikipag-ugnayan ng tanggapan sa kanilang central office ay nabigyan ng datus kung sinong mga OFWs ang natapos na sa kanilang swab test at nagnegatibo, na silang unang napauwi sa kani-kanilang mga bayan.

Sa tulong na rin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay nabigyan ng special permit ang dalawang bus na siyang ginagamit sa pagsusundo sa mga OFWs at may karagdagarang apat na ipinadala ng Owwa main office.

Sa isang bus, sinabi ni Tumaliuan na nasa 23 hanggang 24 na katao lamang ang maaring isakay para mapanatili pa rin ang social/physical distancing.

-- ADVERTISEMENT --

Pagkasundo sa mga OFWs, ipapasa na sa Local Government Unit (LGUs) na silang sasagot sa mga kakailangin ng mga ito para sa kanilang 14-day quarantine.

Pinayuhan naman ni Tumaliuan ang mga uuwing OFWs na kailangan maging tapat sa ilalagay na address na uuwian para mabigyan ng abiso ang kanilang LGU at mabigyan ng tulong.

Kaugnay nito, hinimok ni Tumaliuan ang mga OFWs na negatibo na ang kanilang resulta na maglog-in lamang sa “uwian na.owwa.gov.ph” para mapabilang sa kanilang listahan na susunduin.

Tinig ni Luzviminda Tumaliuan