Huli ang isang 56-anyos na lalaki matapos makumpiska ng mga pulis ang tinatayang ₱1.7 milyon halaga ng hinihinalang shabu at ilang armas sa isang Search Warrant Operation noong Disyembre 4, 2025.

Ayon kay PCAPT Rosemary Taguiam, Information Officer ng PNP Tuguegarao, kinilala ang suspek na si alyas “Nanding,” isang balo at driver na residente ng lungsod.

Narekober din sa bahay ng suspek ang iba’t ibang ebidensiya kabilang ang 1 sachet ng hinihinalang shabu sa loob ng eyeglass case, mga improvised tube pipe na may shabu residue, iba’t ibang magazine at bala para sa cal. .25, cal. .38, at caliber 50, 2 sachets ng hinihinalang marijuana (humigit-kumulang 100g; SDP: ₱12,000), 20 sachets ng hinihinalang shabu at iba pang heat-sealed sachets, at 1 unit caliber .38.

Umabot sa humigit-kumulang 250 gramo ang kabuuang bigat ng hinihinalang shabu.

Sinabi ni Taguiam na isinailalim ang suspek sa drug test, at nagpositibo ang resulta nito.

-- ADVERTISEMENT --

Ang suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).