
Pauutangin ng Asian Development Bank ng $1.75 bilyon (P107 bilyon) ang Pilipinas bilang suporta sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para matugunan ang lumalalang epekto ng gulo sa Gitnang Silangan sa ekonomiya ng Pilipinas.
Nakipagpulong si ADB President Masato Kanda kay Marcos sa Malacañang kung saan tiniyak niya ang patuloy na suporta ng Manila-based lender sa bansa. Hiwalay pa ito sa nilalatag na $2 bilyong (P122 bilyong) pautang ng ADB ngayong taon para sa bansa.
Ani Kanda, nasa Pilipinas ang tahanan ng ADB at batid niya ang hirap na pinagdadaanan ng mga tao at negosyo.
Layunin ng pondo na tulungan ang gobyerno na tugunan ang epekto ng krisis, kabilang ang taas-presyo sa langis, inflation, at iba pang dagdag na pasanin sa ekonomiya.
Sabi ng ADB, naghahanda rin ito ng mabilisang budget support at trade at supply chain financing para sa mga bansang apektado ng gulo sa Gitnang Silangan. Kabilang dito ang suporta para matiyak ang suplay ng mahahalagang import gaya ng langis.
Dumating ang alok ng ADB habang hirap ang Pilipinas sa energy shock. Umakyat sa 7.2% ang inflation noong Abril, habang bumagal sa 2.8% ang paglago ng ekonomiya sa unang quarter, ang pinakamabagal mula noong COVID-19 pandemya.










