Inilahad ng financial forensic analyst na si Alexander Cabrera ang umano’y P11.35 milyong halaga ng mga tseke na ibinayad kay Dr. Lourdes Lebosada, na kinilala niyang dentista ni Vice President Sara Duterte.

Sa ika-37 araw ng impeachment trial noong Oktubre 9, sinabi ni Cabrera na nakatala ang mga bayad sa isang checking account ng mag-asawang Duterte at Manases Carpio. Si Lebosada ay 47.5 porsiyentong may-ari rin umano ng Cale88 Foods Corporation kasama si Carpio.

Kinuwestiyon ni Cabrera kung ang naturang halaga ay para lamang sa serbisyong dental. Gayunman, pinatanggal sa rekord ang kaniyang komento matapos itong kuwestiyunin ng depensa, at pinaalalahanan siya ng Senate impeachment court na sumagot lamang sa mga tanong.

Bilang batayan sa pagkilala kay Lebosada bilang dentista ni Duterte, sinabi ni Cabrera na nakakita sila ng post sa Facebook page ng Lebosada Clinic na magkasama ang dalawa.