Nakapagtala na ng inisyal na P12 milyon na halaga ng pinsala ang Nueva Vizcaya Electric Cooperative sa mga linya ng kuryente na sinalanta ng super typhoon Pepito sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Ayon kay Fredel Salvador, general manager ng NUVELCO, 40% o 40,000 na kabahayan pa na nasa mga liblib na lugar ang nananatiling walang kuryente.
Nagpapatuloy naman ang restoration efforts sa mga nasirang linya ng kuryente at iba pang imprastruktura katuwang ang mga electric cooperatives mula Ilocos Norte, Ilocos Sur, Pangasinan, Mountanin Province, La Union, at Nueva Ecija sa ilalim ng Task Force Kapatid.
Sinabi ni Salvador na malaking hamon sa ginagawang pagkukumpuni ay ang mga malalaking kahoy na dumagan sa mga poste ng kuryente at ang mga naranasang landslide na nagpapatagal sa kanilang restoration efforts.
Target naman ng NUVELCO na maibalik ang suplay ng kuryente sa lahat ng member consumer owners hanggang katapusan ng buwan ng Nobyembre ngayong taon.