Kinuwestiyon ni Senator-judge Joel Villanueva kung paano nakapagtala ng mahigit P150 milyon na benta ang Cale88 Foods Corporation noong 2024 gayong dalawa lamang ang empleyado nito.

Sa ika-37 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte noong Oktubre 9, sinabi ni BIR official Anne Loraine Garcia-Marquez na umabot sa P150.7 milyon ang kabuuang sales ng kumpanyang nakalista bilang negosyo ng asawa ng bise presidente na si Manases Carpio.

Nagtala rin ang kumpanya ng mahigit P11.4 milyon na gastos. Ayon kay Garcia-Marquez, mahirap ipaliwanag ang ganitong kalaking operasyon kung banana chips manufacturer ang kumpanya at dalawa lamang ang empleyado nito, maliban kung gumagamit ito ng mga makina.

Binanggit din ni Villanueva na umabot sa P23 milyon ang gross sales ng Cale88 noong 2023, batay sa general information sheet ng kumpanya.