
Iniharap sa House Committee on Justice ang sinumpaang salaysay ni dating senador Antonio Trillanes IV kaugnay ng umano’y P181.6 milyong drug money na napunta sa pamilya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Trillanes na ang mga tsekeng na-encash ay umano’y nagmula sa negosyanteng si Sammy Uy at napunta sa ilang miyembro ng pamilya Duterte, kabilang si Bise Presidente Sara Duterte na umano’y nakatanggap ng P22.3 milyon. May iba pang kapamilya rin na isinama sa listahan ng mga transaksyon.
Giit ng dating senador, maaari umanong maituring itong mga kaso ng katiwalian at paglabag sa tiwala ng publiko.
Iniugnay din niya ang negosyanteng si Sammy Uy sa ilang personalidad at isyung may kinalaman sa droga at operasyon ng iligal na POGO.
Samantala, kinumpirma ng Anti-Money Laundering Council na may 18 transaksyon sa salaysay na tumutugma umano sa kanilang rekord.
Ayon kay House Committee on Justice Chairperson at Batangas Representative Gerville Luistro, patuloy pa ang pag-aaral ng komite sa mga dokumento bilang bahagi ng imbestigasyon kaugnay ng impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte.










