Isiniwalat ni dating Senator Panfilo Lacson na handa umano na magbayad si dismissed Bamban Mayor Alice Guo upang mawala ang lahat ng kanyang kinakaharap na kaso.

Tinukoy ni Lacson na mula ang impormasyon mula sa isang kaibigan na Filipino-Chinese, na umano’y nag-alok ng pera si Guo bago siya tumakas palabas ng bansa noong buwan ng Hulyo.

Sinabi ni Lacson na noong gipit na umano si Guo, kinausap ang kanyang kaibigan sa pamamagitan ng common friend para sa nasabing tulong.

Ayon kay Lacson, P1 billion umano ang alok ni Guo para sa tulong na kanyang hinihingi.

Nilinaw ni Lacson na ang nasabing halaga ay hindi para sa kanyang pagtakas sa halip ay para maayos ang mga kinakaharap niyang mga kaso sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at iba pa.

-- ADVERTISEMENT --

Inilarawan ni Lacson ang kanyang kaibigan na isang malaking negosyante na may ugnayan sa China at inamin na may mga koneksion umano sa ilang personalidad sa loob ng Firt Family.

Ayon kay Lacson, hindi umano sinabi ng kanyang kaibigan ang mensahe sa kanyang conatact.

Upang patunayan ang kanyang sinabi, nagpakita siya ng larawan ng kanyang kaibigan kasama si Guo.

Idinagdag pa ni Lacson na hindi sinabi ng trader kung mayroon siyang business transactions kay Guo, subalit tiyak siya na walang ugnayan ang kanyang kaibigan sa Philippine offshore gaming operations.

Samantala, sinabi ni PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz na hindi na sila nagtataka sa mga isiniwalat ni Lacson.

Ayon kay Cruz, hindi na bago para kay Guo na mag-alok ng malaking halaga para makalusot sa mga alegasyon na ipinupukul sa kanya.