Naglaan ng P2 million na pabuya ang mga lokal na opisyal ng Surigao del Sur sa sinomang makapagbibigay ng mga impormasyon para sa ikadarakip ng mga bumaril-patay sa radio broadcaster na si Erwin Segovia sa Bislig City.
Ang pabuya ay mula sa dating alkalde ng bayan ng Cantilan, congressional office ng Surigao del Sur, at ng provincial government.
Sa isang pahayag, sinabi ni Governor Johnny Pimentel, nag-alok sila ng pabuya ni Congressman Alexander Pimentel, para sa paghahanap ng katarungan at pakikiisa sa pamilya ng biktima.
Kasabay nito,sinabi ng gobernador na nagluluksa ang lalawigan sa pagpatay kay Segovia, na isa umanong may dedikasyon na miyembro ng local media at isa ring Surigaonon.
Idinagdag pa ni Pimentel na makikipagtulungan sila sa mga awtoridad para mabilis na malutas ang kaso.
Matatandaan na binaril at pinatay si Segovia noong Lunes sa Barangay Mangagoy, habang pauwi na sakay ng motorsiklo matapos ang kaniyang programa sa radyo kung saan tinatalakay niya ang mga social issue, local governance, at usapin sa komunidad.
Nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang biktima, at tumakas ang mga salarin na sakay din ng motorsiklo.
Binuo na ang special investigation task group (SITG) Segovia para tutukan ang kaso.