Nadiskubre ng mga awtoridad ang nasa P29 million na halaga ng umano’y high-grade marijuana o kush sa mga balikbayan boxes mula Canada sa pantalan sa Tondo, Maynila.
Ito ay matapos ang isinagawang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency at Bureau of Customs sa Manila International Container Port nitong Biyernes.
Ayon kay Atty. Joseph Frederick Calulut, tagapagsalita ng PDEA, nadiskubre ang nasa mahigit 20 kilo ng hinihinalang marijuana na nakalagay sa mga vacuum-sealed transparent plastic at nakasilid sa dalawang balikbayan boxes na mula pa umano sa Ontario, Canada.
Sinabi ni Calulut, nagpositibo sa initial screening ang nasabing mga karton, at ipinaamoy din nila ang mga ito sa K9 dogs na nagpositibo din ang resulta, kaya kinailangan nilang buksan ang mga ito.
Bukod sa kush, may nakuha din na mahigit 600 grams ng hinihinalang marijuana oil.
Ayon kay Calulut, naniniwala silang maraming parokyano ang mabibigyan ng nasabing iligal na droga, dahil lumalakas na rin ang bentahan ng kush sa merkado lalo na sa mga kabataan.
Inaalam pa ng PDEA kung may koneksyon ang mga nakumpiskang droga sa higit P39 million na kush na nasabat rin sa MICP noong buwan ng Pebrero.
Sinabi ni Calulut, umaasa sila na makakakuha ng mga ebidensiya sa isasagawang malalimang imbestigasyon sa pagbiyahe sa mga mapanganib na droga sa ating bansa.
Nasa laboratoryo na ng PDEA ang mga nakumpiskang droga para isailalim sa eksaminasyon.