Ipagpapatuloy ng administrasyong Marcos ang P300 bilyong pondo para sa mga proyektong kontra-baha ngayong taon hanggang sa 2026, kasabay ng paglalagay ng mas mahigpit na panuntunan upang matiyak na maayos ang paggamit ng pondo.
Inihayag ng Pangulo sa kanyang pagbisita sa Gonzaga, Cagayan, na bahagi ng proseso ang masusing pagsusuri sa mga isusumite at iaaprubang proyekto, kabilang ang pagkakaroon ng malinaw na program of work, maayos na completion, at pagtanggap mula sa lokal na pamahalaan.
Layunin nito na matiyak ang integridad ng mga proyekto bago ito pormal na maisakatuparan at ma-turnover.
Binibigyang-diin ng Palasyo na magsisilbing tagapangalaga lamang ang pamahalaan ng buwis na ibinabayad ng mamamayan, at kailangang matiyak na bawat sentimo ay mapupunta sa kapakinabangan ng publiko.
Sa ilalim ng kautusan ng Pangulo, ipinasa na rin ang P255.5 bilyon mula sa pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa flood control, tungo sa mga prayoridad na programa ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Bahagi rin ng direktiba ang pagbabalik ng proseso ng “acceptance” ng mga lokal na pamahalaan bago ituring na kumpleto ang anumang proyekto ng pambansang pamahalaan.
Target ng hakbang na ito na masiguro ang kumpletong implementasyon ng mga imprastraktura at maiwasan ang mga iregularidad na naranasan sa nakaraang flood control at iba pang malalaking proyekto.