Tinatayang aabot sa P317 million ang halaga ng shabu habang P19.7 million na halaga ng cocaine ang nadiskubre na palutang-lutang sa karagatan sa magkakahiwalay na bayan sa Cagayan.

Ayon kay Charlene Magdurulang , director ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2, Hunyo 14 nang makatanggap ng tawag ang Claveria Police Station mula sa dalawang mangingisda na nakapulot ng dalawang sako na naglalaman ng shabu.

Sa isinagawang imbentaryo at forensic examination, natuklasang may 50 pakete ng shabu — 44 dito ay tuyo habang anim ang napasukan ng tubig, kung saan nakalagay ang mga ito sa gold tea bags na may label na “DAGUANYIN” at may Chinese characters.

Tumimbang ito ng 44.112 kilo at 393 ml ng likidong shabu na may halagang aabot sa P312 million.

Samantala, isang mangingisda rin mula sa Sta. Praxedes ang nag-turnover ng vacuum-sealed pack ng shabu na may tatak na “66”, tumitimbang ng 780 gramo at nagkakahalaga ng P5 million.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito, dalawang insidente rin ng pagkakatagpo ng cocaine ang naiulat sa Calayan noong Mayo 15, kung saan narecover ang 2.6 kilo ng cocaine na nagkakahalaga ng P14 million at noong Hunyo 13 particular sa Barangay Dilam, kung saan ay narekober ng mga owtoridad na nagpapatrolya ang isang kilo ng cocaine na tinatayang aabot sa P5.7 million ang halaga.

Ayon sa PDEA, posibleng mula ang mga drogang ito sa “shipside smuggling” at inanod ng alon mula Zambales at Pangasinan, kung saan may mga na-recover ding mga sako-sako ng iliga na droga, papuntang Cagayan.

Paliwanag ni Magdurulang, maaaring nakalaan para sa Pilipinas ang shabu, ngunit ang cocaine ay posibleng para sa ibang lugar dahil sa hindi ito tinatangkilik sa bansa.

Ayon kay Magdurulang, nakatakdang dalhin ito sa Central Luzon para sirain kasama ang iba pang mga narekober na kontrabando sa baybayin ng Region 3 at Region 1 sa araw ng Huwebes.