Muling nagtagumpay ang kampanya ng mga awtoridad laban sa iligal na droga sa lalawigan ng Kalinga.
Ito ay matapos na madiskubre ng mga awtoridad ang taniman ng mga marijuana sa Barangay Tulgao West, Tinglayan, Kalinga sa isinagawang operasyon noong January 22 at 23, 2025.
Binunot at sinunog ng mga operatiba ang kabuuang 22,000 na piraso ng fully grown marijuana plants sa 1,100 square meters na taniman na nagkakahalaga ng mahigit P4 million.
Nadiskubre din ang 230 kilos ng pinatuyong dahon ng marijuana at mga tangkay na may halaga na mahigit P27 million.
Sa kabuuang ay umaabot sa P32 million ang halaga ng mga nadiskubreng marijuana sa nasabing lugar.
Kumuha ng samples ng marijuana ang mga operatiba at dinala sa Kalinga Forensic Unit para sa pagsusuri.
Pinuri naman ni PCOL James Mangili, acting provincial director ng Kalinga Police Station ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon.
Ito ay sa kabila na walang nadatnan o nahuli na cultivator sa nasabing operasyon.
Binigyang-diin ni Mangili na ang nasabing operasyon ay isang patunay ng kanilang patuloy na commitment sa kampanya laban sa iligal na droga at pagtiyak sa kaligtasan ng mga mamamayan ng Kalinga.