Inaasahang magsisimula na ang operasyon ng P4.37-B na Chico River Pump Irrigation Project na matatagpuan sa Brgy Katabbogan, Pinukpok, Kalinga matapos ang pormal na pagpapasinaya nito.

Ayon kay National Irrigation Administration o NIA Administrator Ricardo Visaya na siyang nanguna sa pagpapasinaya noong Sabado, malaking tulong ang naturang irrigation project para maiangat ang produksiyon sa palay ng mga magsasaka sa Kalinga at kalapit na lalawigan sa Cagayan.

Aniya, titiyakin nito ang suplay ng patubig para sa may 8,700 ektaryang lupang sakahan ng palay ng nasa 4,992 na mga magsasaka sa bayan ng Tuao at Piat sa Cagayan at Pinukpok sa Kalinga.

Dagdag pa ni Visaya na malaking suporta din ito sa agricultural development program ng pamahalaan at para masiguro ang food security o sapat na pagkain sa mga nasabing lalawigan.

Ang nasabing proyekto ay flagship insfrustructure project na pinondohan ng Chinese government sa pamamagitan ng China Export Import Bank sa ilalim ng Build Build Build program ng Duterte administration na sinimulan ang konstruksyon noong Hunyo 2018.

-- ADVERTISEMENT --

Labis naman ang pasasalamat ni Eduardo Macasaddug, presidente ng Irrigators Association in Cagayan sa mga opisyal ng NIA at kay Pangulong Rodrigo Duterte sa naturang proyekto na makakatulong sa mga magsasaka na maiangat ang kanilang produksiyon.