
Umabot sa P4.38 bilyon ang pinsala at pagkalugi sa sektor ng agrikultura dahil sa pinalakas na Habagat at mga bagyong Luis, Maymay, Neneng at Pilandok, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Ayon sa DA, nasa 99,663 magsasaka at mangingisda ang naapektuhan, habang 81,511 ektarya ng agricultural areas ang napinsala. Umabot naman sa 102,791 metric tons ang production losses sa iba’t ibang produktong agrikultural.
Pinakamalaki ang pinsala sa palay na umabot sa P2.05 bilyon, kasunod ang high-value crops na P1.38 bilyon, fisheries na P647.79 milyon, at mais na P127.60 milyon.
Samantala, magbibigay ang DA ng P609.79 milyon halaga ng agricultural input* gaya ng mga binhi. Maaari rin umutang ang mga apektadong magsasaka ng hanggang P25,000 sa ilalim ng Survival and Recovery Loan Program.








