Inanunsyo ng Department of Budget and Management (DBM) na magbibigay ng P5,000 Productivity Enhancement Incentive (PEI) sa mga kwalipikadong kawani ng gobyerno para sa Fiscal Year 2025.

Ayon sa DBM, naglabas ito ng Circular Letter No. 2025-13 na nagtatakda ng mga patakaran sa pagbibigay ng PEI. Ang insentibo ay maaaring ibigay simula Disyembre 15, 2025, alinsunod sa Budget Circular No. 2017-4.

Sinabi ni DBM Acting Secretary Rolly Toledo na ang insentibo ay patunay ng pagkilala ng administrasyon sa mahusay na serbisyo at mahalagang papel ng mga lingkod-bayan, sa pahintulot ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Saklaw ng PEI ang mga civilian employees ng national government agencies, state universities and colleges, government-owned or -controlled corporations sa ilalim ng DBM, local government units, local water districts, at maging ang military at uniformed personnel.

May nakalaang P9.24 bilyon na pondo para sa PEI ng mga kwalipikadong kawani ng pambansang pamahalaan, na naipamahagi na sa mga ahensya sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinaalala ng DBM na susundin ang mga service at performance requirements sa ilalim ng umiiral na patakaran. Ang mga empleyadong nakapaglingkod nang mas mababa sa apat na buwan ay maaaring makatanggap ng prorated na halaga.

Ang PEI ay ipinagkakaloob taun-taon mula 2016 upang palakasin ang moral ng mga kawani at hikayatin ang mas mataas na antas ng produktibidad sa gobyerno.