Inaprubahan ng House of Representatives sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang P6.7 trilyong national budget para sa 2026.

Bahagi ng badyet ang P1.28 trilyong inilaan sa sektor ng edukasyon — ang pinakamataas sa kasaysayan ng bansa — na katumbas ng 4.1% ng Gross Domestic Product (GDP).

Ang dagdag na P56.6 bilyon sa edukasyon ay bahagi ng realignment mula sa tinapyas na P255 bilyong pondo para sa mga flood control projects ng DPWH, kasunod ng pagtutok ng pamahalaan sa mga isyu ng anomalya sa nasabing programa.

Mula sa halagang ito, malaking bahagi rin ang napunta sa social services gaya ng tulong pinansyal, emergency employment, at pondo para sa mga State Universities and Colleges (SUCs).

Tinapyasan naman ang ilang kontrobersyal na alokasyon tulad ng confidential at intelligence funds, at binawasan din ang budget ng Office of the Vice President matapos hindi dumalo si VP Sara Duterte sa deliberasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, kinondena ng Makabayan bloc ang panukalang badyet, iginiit na nagpapatuloy umano ang sistemang pork barrel at katiwalian sa kabila ng mga reporma.