Binunot at sinira ng mga operatiba ng Kalinga Police Provincial Office, Philippine Drug Enforcement Agency, at iba pang supporting units ang nasa 34,000 fully grown marijuana plants sa Tinglayan, Kalinga.
Isinagawa ang operasyon sa tatlong plantation site sa Barangay Loccong at Buscalan.
Tinatayang nagkakahalaga ng P6.8 million ang nasabing marijuana plants.
Sa Brgy. Loccong, nadiskubre ng mga awtoridad ang 4,000 na tanim na marijuana sa 400 sqm na plantation site na nagkakahalaga ng P800,000.
Samantala sa dalawang hiwalay na lugar sa Brgy. Buscalan, nakita ang 10,000 at 20,000 marijuana plants na nagkakahalaga ng P6 million.
Sinunog ang mga marijuana sa mga nasabing lugar, at may itinabi para sa pagsusuri.
Gayunpaman, walang nahuli na cultivators o ang mga nagtatanim ng marijuana sa nasabing operasyon.
Sa kabila nito, patuloy pa rin ang pagsuyod ng mga awtoridad sa Kalinga sa iba pang mga lugar na posibleng taniman ng marijuana.