
Hindi nakalista sa 2025 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ni Vice President Sara Duterte ang P6-milyong property sa Matina, Davao City na binili umano ng kanyang asawang si Mans Carpio noong Hulyo 2024.
Ayon kay Senate impeachment court presiding officer Francis Escudero, sinuri nila ang mga SALN ni Duterte at hindi nakita rito ang naturang 379-square-meter property.
Ipinrisinta ng prosecution ang usapin bilang bahagi ng Article 2 ng impeachment case laban kay Duterte, na tumatalakay sa alegasyon ng hindi tamang deklarasyon ng mga ari-arian at kabiguan umanong mag-divest sa mga negosyo.
Sinabi naman ni Escudero na napatunayang authentic ang mga SALN ni Duterte at kapwa minarkahan ng prosecution at depensa bilang ebidensiya sa paglilitis.










