
Aabot sa ₱600,000 ang pondo ng Barangay Calpidong, Glan, Sarangani Province ang umano’y nawaldas matapos ipangsugal ng barangay treasurer sa online gambling.
Ayon kay Barangay Captain Hipoliti Alicer, nagsimula ang umano’y ilegal na pagkuha ng pondo noong Agosto 2025, kung saan ginamit ng treasurer ang pera ng barangay para sa online sugal.
Sinabi ni Alicer, na nai-withdraw umano ang pondo sa pamamagitan ng online banking application gamit ang verification code na ipinapadala ng bangko sa cellphone mismo ng kapitan—isang sitwasyong sinamantala umano ng treasurer.
Dahil sa tiwala, hindi raw agad nakapaghinala ang kapitan na may nagaganap na umano’y pang-aabuso sa pondo ng barangay.
Nabunyag lamang ang insidente nang humingi ng pondo ang Sangguniang Kabataan (SK) noong nakaraang taon para sa mga programang pang-barangay, subalit hindi umano ito natanggap. Kalaunan ay napag-alamang na-withdraw na pala ang nasabing halaga.
Saad pa ng naturang barangay captain na siya mismo ang mangunguna sa pagsasampa ng kasong kriminal laban sa barangay treasurer upang mapanagot ito at patunayang wala siyang kinalaman sa pagkawala ng pondo.
Sa kasalukuyan, inihahanda na ng Barangay Calpidong Council ang mga kasong isasampa laban sa nasabing opisyal.
Samantala, nasa ₱14,000 na lamang ang natitirang pondo ng barangay na ginagamit ngayon para sa pang-araw-araw na operasyon.







