
Nagkaroon ng tensyon sa Senado nitong Martes matapos ang mainit na pagtatalo ng mga senador kaugnay ng isyu ng International Criminal Court o ICC warrant laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Sa plenaryo, nagtanong si Senador Robinhood Padilla kung may umiiral bang alituntunin sa Senado na pinapayagan ang pagsigaw sa kapwa senador, kasunod ng naging mainit na palitan ng salita sa pagitan nila ni Senador Francis Pangilinan.
Ayon kay Padilla, balak niyang maghain ng ethics complaint laban kay Pangilinan kung hindi ito hihingi ng paumanhin sa plenaryo.
Giit pa ng senador, hindi niya tinatanggap ang pagsigaw bilang normal na bahagi ng diskusyon sa Senado, at iginiit na dapat itong resolbahin sa tamang forum.
Sa naging sagutan, sinabi ni Pangilinan na dapat ipasa sa Senate Committee on Rules ang usapin upang mas mabigyang-pansin ang iba pang agenda ng lehislatura, ngunit nauwi ito sa mainit na palitan ng salita.
Sandali ring nasuspinde at kalaunan ay tinapos ang sesyon ng Senado matapos ang insidente.
Ang tensyon ay kasunod ng pagharap ni Dela Rosa sa Senado noong Lunes kaugnay ng umano’y ICC arrest warrant laban sa kanya, kung saan nagkaroon din ng hiwalay na insidente ng paghabol ng NBI agents sa loob ng kapulungan.










