
Ipinagtanggol ni Senator-Judge Robin Padilla ang paggamit ng mga alyas sa confidential activities, at binanggit na maging ang mga bayani at rebolusyonaryo ng bansa ay gumamit din ng mga alyas noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol.
Sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, tinukoy ni Padilla ang mga alyas tulad ng Dimasalang, Siling Labuyo, Tikbalang, Magdalo at Lakambini, bilang halimbawa ng paggamit ng ibang pangalan para sa mga sensitibong gawain.
Giit ni Padilla, mahalaga ang paggamit ng alyas sa mga confidential na operasyon upang maprotektahan ang pagkakakilanlan ng mga sangkot.
Samantala, sinabi ni private prosecutor Mae Divinagracia na pinapayagan naman ang paggamit ng alyas sa ilalim ng Anti-Alias Law basta’t naipapakita ang tunay na pangalan. Idinagdag niyang hindi isyu para sa prosekusyon ang paggamit ng alyas dahil hindi naman umano ito ang pangunahing alegasyon sa kaso.
Binigyang-diin naman ni Padilla na hindi dapat gawing katatawanan ang mga hindi pangkaraniwang pangalan na lumitaw sa mga acknowledgment receipts ng confidential funds.










