
Nagpahayag ng kumpiyansa si Manila 6th District Representative Benny Abante Jr. na hindi mababawasan ang bigat ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sakaling magdesisyon ang House prosecution panel na laktawan o hindi na ipresenta ang Article 3 o ang bribery article sa impeachment court.
Si Abante, na isa sa mga pangunahing naghain at nag-sponsor ng reklamo laban sa Bise Presidente, ay naniniwalang sapat at matibay na ang mga kasalukuyang naipresentang ebidensya at testigo ng prosekusyon upang mapatunayan ang pagkakasala nito sa iba’t ibang impeachable offense.
Lumutang ang usapin kasunod ng mga ulat na pinag-iisipan ng prosekusyon na huwag nang talakayin ang Article 3 upang deretso nang lumipat sa Article 2 na tumutukoy naman sa diumano’y hindi maipaliwanag na kayamanan ng dating presidential daughter.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang mga ebidensyang nakalap ukol sa threat article—o ang ginawang pampublikong pagbabanta ni Duterte sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez—ay sapat na batayan na para sa conviction nito.
Nananatiling bukas ang House prosecution panel sa pag-aayos ng kanilang istratehiya habang patuloy na gumugulong ang paglilitis sa Senado.









