
Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang pag-angat ng ilang baybaying lugar sa Sarangani at Davao Occidental kasunod ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao noong Lunes.
Ayon sa PHIVOLCS, nakaranas ng tinatawag na coastal uplift o pagtaas ng lupa ang ilang lugar na malapit sa baybayin dahil sa malakas na pagyanig.
Sa Barangay Pangyan sa Glan, Sarangani, lumitaw sa ibabaw ng tubig ang ilang bahagi ng dalampasigan na dati ay nakalubog sa dagat. Maging ang mga coral reef na dating nasa ilalim ng tubig ay naging lantad matapos ang pag-angat ng lupa.
Naitala rin ang kaparehong pangyayari sa bayan ng Jose Abad Santos sa Davao Occidental.
Sinabi ni PHIVOLCS Science Research Assistant Dandy Camero na posible pang may iba pang lugar na nakaranas ng coastal uplift, ngunit kinakailangan pa ng karagdagang field assessment upang makumpirma ito.
Samantala, patuloy na nararanasan ang mga aftershock sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao. Nitong Sabado ng umaga, isang magnitude 5.3 na aftershock ang naitala at muling nagdulot ng pangamba sa mga residente ng General Santos City.
Sa Koronadal City, South Cotabato, sinabayan ng malakas na pag-ulan at pagbaha ang pagyanig. Binaha rin ng maputik na tubig ang ilang lugar sa bayan ng T’boli matapos umapaw ang isang sapa bunsod ng malalakas na ulan.
Patuloy din ang search and rescue operations para sa isang manggagawa sa paggawa ng uling na pinaniniwalaang natabunan ng landslide na dulot ng lindol noong Lunes.
Batay sa pinakahuling datos ng Office of Civil Defense (OCD), umakyat na sa anim ang bilang ng mga nasawi habang 33 katao pa ang nawawala dahil sa epekto ng lindol.
Nagpapatuloy naman ang paghahatid ng tulong ng pamahalaan sa mga apektadong komunidad. Personal na sinuri ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang mga relief operation sa Malita, Davao Occidental, kung saan nakaimbak at inihahanda ang mga family food packs para sa mga naapektuhang residente.
Nakipagpulong din si Gatchalian sa mga lokal na opisyal upang alamin ang kalagayan ng mga komunidad na tinamaan ng kalamidad.
Ayon sa kalihim, sapat ang suplay ng pagkain sa mga evacuation center bagama’t may ilang liblib na lugar na hindi pa agad naaabot ng tulong.
Gayunman, unti-unti nang nabubuksan ang mga kalsadang naapektuhan ng lindol kaya mas mabilis nang naihahatid ang mga kinakailangang ayuda.
Pinabibilis na rin ng DSWD ang pagproseso ng mga ulat sa pinsala upang agad na maipamahagi ang emergency cash assistance sa mga pamilyang naapektuhan ng lindol.
Sa kabila ng mga hamon, nagkaisa rin ang iba’t ibang sektor sa pagtulong sa mga biktima.
Ilang college students mula sa General Santos City ang nagtungo sa Barangay Kablalan sa Glan, Sarangani upang mamahagi ng pagkain at iba pang relief goods sa mga residenteng naapektuhan ng malakas na pagyanig.










