
Hindi isinasantabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS ang posibilidad ng panibagong moderately explosive eruption ng Mayon Volcano habang hindi pa ganap na humuhupa ang aktibidad ng magma sa ilalim nito.
Ito ang babala ni Ma. Antonia V. Bornas, Chief Science Research Specialist ng PHIVOLCS Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division, kasunod ng katamtamang lakas ng pagsabog ng bulkan kahapon na nagbuga ng abo, gas at maliliit na bato.
Ayon kay Bornas, posibleng naipon ang pressure sa loob ng bulkan matapos mabarahan ang lagusan ng volcanic gases malapit sa bunganga nito.
Hindi rin aniya pangkaraniwan ang kasalukuyang aktibidad ng Mayon dahil sinundan ng explosive eruption ang ilang buwang pag-agos ng lava mula Enero hanggang Agosto.
Bago ang pagsabog, nakapagtala rin ang PHIVOLCS ng mahigit 100 volcanic earthquakes na may kaugnayan sa paggalaw ng mga gas sa ilalim ng bulkan.
Gayunman, hindi pa matukoy kung kailan o ilang beses pang maaaring maulit ang pagsabog.
Samantala, nananatili sa Alert Level 3 ang Mayon Volcano.










