TUGUEGARAO CITY- Papayagan na ang pagsakay ng miembro ng household sa motorsiklo sa Tuguegarao City.
Sinabi ni Mayor Jefferson Soriano na naglabas na siya ng Executive Order para dito.
Gayonman, binigyan diin ni Soriano ang mga kundisyon para sa mga papayagan sa riding-in tandem.
Sinabi niya na ang kailangan lamang isakay ay ang mga miembro ng household o kasama sa bahay at kailangan na ihahatid at susunduin lang siya sa trabaho at hindi sa ibang mga gawain tulad ng pamamalengke o shopping sa mga malls.
Sinabi pa ng alkalde na kailangan na may sertipikasyon din mula sa barangay na magpapatunay na ang iaangkas sa motorsiklo ay kasama sa bahay na kailangan na ihatid sa kanyang trabaho.
Ayon sa kanya, kailangan din na magpakita ang mga ito ng kanilang mga ID.
Sinabi ni Soriano na bagamat wala pang tugon sa hakbang na ito ang national Inter-Agency Task Force, nagbigay na umano ng go signal si Dante Balao, chairman ng IATF Region 2 na ipatupad ito sa Tuguegarao.
Samanatala, inihayag ni Soriano na maaaring magpalista sa kanilang barangay ang mga hindi nakatanggap ng ayuda mula sa Social Amelioration Program na sa tingin nila ay kualipikado sila sa nasabing financial assistance.
Sinabi ni Soriano na ito ang kanilang iaapela sa DSWD Region 2 upang mabigyan din sila ng ayuda.
Gayonman, nilinaw niya na hindi siya sigurado kung mabibigyan ang lahat ng mga magpapalista mula sa dagdag na P5m na pondo na inilabas ng DSWD.
Idinagdag pa ni Soriano na magkakaroon din ng second tranche ng nasabing ayuda para naman sa buwan ng Mayo.
Kasabay nito, sinabi ni Soriano na naibigay na ang SAP sa lahat ng beneficiaries sa Tuguegarao na umaabot sa 25, 605.