
Umabot na sa P1.01 trilyon ang gross housing-related assets ng Pag-IBIG Fund hanggang Hulyo 31, 2026, bunsod ng patuloy na paglago ng housing portfolio at pagtaas ng financing para sa mga miyembrong bumibili, nagpapatayo o nagpapagawa ng kanilang bahay.
Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Ramon Aliling, na chairman ng Pag-IBIG Fund Board of Trustees, mahalaga ang milestone na ito dahil mas maraming Filipino homebuyers ang nabibigyan ng financing, habang nadaragdagan din ang suporta sa mga developer at institusyong sangkot sa housing projects.
Sa kabuuang P1.01 trilyong housing-related assets, P971.39 bilyon o nasa 96 porsyento ang binubuo ng housing-related loans, habang P38.47 bilyon naman ang iba pang housing-related assets.
Sinabi ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene Acosta na ipinapakita ng milestone ang layunin ng ahensya na gamitin ang ipon ng milyun-milyong miyembro upang makatulong sa kapwa miyembro na magkaroon ng sariling tahanan.
Mula Enero hanggang Hulyo 2026, umabot sa P88.84 bilyon ang housing at wholesale loan releases ng Pag-IBIG Fund, 12 porsyentong mas mataas kumpara sa P72.61 bilyon na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Samantala, itinaas ng Pag-IBIG Fund sa P10 milyon kada borrower ang maximum housing loan para mapalawak ang access sa abot-kayang pabahay sa ilalim ng Expanded 4PH program. Maaari ring umabot sa 30 taon ang repayment period, habang kwalipikadong low-income borrowers ay maaari pa ring makinabang sa 3 porsyentong subsidized housing loan rate.
May promotional rates din ang Pag-IBIG Fund hanggang Disyembre 31, 2026—4.5 porsyento para sa mga loan na lampas sa socialized housing price ceiling hanggang P4.9 milyon, at 5.75 porsyento naman para sa loan na lampas P4.9 milyon hanggang P10 milyon.










