Inanunsyo ng Pag-IBIG Fund ang isang espesyal na alok para sa mga miyembrong nais bumili ng bahay: isang mababang interest rate na 4.5% para sa mga home loan na hanggang P1.8 milyon.
Ayon sa Home Development Mutual Fund (HDMF), ang alok na ito ay para sa mga first-time homebuyers na may buwanang sahod na hindi lalampas sa P47,856 sa Metro Manila at P34,686 sa mga lugar sa labas ng NCR.
Maaari ring makinabang ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa programang ito, kahit ano pa man ang kanilang kita. Ayon sa Pag-IBIG, limitado ito sa unang 10,000 locally employed na aplikante at unang 1,000 OFW na mag-a-apply.
Ipinahayag ni Pag-IBIG Fund CEO Marilene Acosta na sa ilalim ng espesyal na interest rate, makakatipid ang mga miyembro ng halos P2,000 kada buwan, o humigit-kumulang P71,000 sa unang tatlong taon ng loan na P1.8 milyon na babayaran sa loob ng 30 taon.
Sa bagong interest rate na 4.5%, ang buwanang hulog ay nasa P9,120.34 lamang, kumpara sa P11,082.91 kung susundin ang regular na rate na 6.25%.
Noong nakaraang buwan, nag-alok din ang Pag-IBIG ng 10% diskwento sa mga residente ng kanilang foreclosed properties na nais bilhin ang kanilang tinitirhang bahay.