Sinabi ng pinakamataas na korte ng United Nations na ilegal ang okupasyon ng Israel sa Palestinian territories at settlements at dapat nang wakasan sa lalong madaling panahon, sa pinakamalakas nitong findings sa Israel-Palestinian conflict.
Hindi “binding” ang advisory opinion ng mga hukom sa International Court of Justice (ICJ), kilala bilang World Court, subalit may bigat sa ilalim ng international law at maaaring magpahina ng suporta para sa Israel.
Kabilang sa obligasyon ng Israel, base sa korte, ang pagbabayad ng restitution para sa pinsala at evacuation of all settlers from existing settlements”.
Tinabla naman ng Israel’s foreign ministry ang opinyon at tinawag itong “fundamentally wrong” at “one-sided,” saka iginiit ang paninindigan nitong maaari lamang makamit ang political settlement sa rehiyon sa pamamagitan ng negosasyon.
Ikinagalit din ng West Bank settlers ang opinyon maging ng politiko tulad ni Finance Minister Bezalel Smotrich.
Iginiit naman ni Israel Gantz, pinuno ng Binyamin Regional Council, sa isa pinakamalaking settler councils, na ang ICJ opinion ay “contrary to the Bible, morality and international law”.
Napag-alaman din sa ICJ opinion na ang U.N. Security Council, ang General Assembly at lahat ng estado ay walang obligasyong kilalanin ang okupasyon bilang legal o “render aid or assistance” sa pagpapanatili sa presensya ng Israel sa mga okupadong teritoryo.
Nag-ugat ang kaso sa 2022 request para sa legal opinion mula sa U.N. General Assembly, bago pa ang giyera sa Gaza na nagsimula noong Oktubre.
Sinakop ng Israel ang West Bank, Gaza Strip at East Jerusalem – mga lugar sa historic Palestine na nais ng Palestinians na gawing bansa – sa 1967 Middle East war at pinagtayuan ng settlements sa West Bank at pinalawak ito.