TUGUEGARAO CITY- Ire-regulate na ang online delivery services dito sa lungsod ng Tuguegarao.

Sinabi ni Councilor Carina Gauani, ito ang napag-usapan sa pulong na pinangunahan ni Mayor Jefferson Soriano kasama  ang heads ng Treasurers Office at Business Permit and  Licensing Office at ilang online delivery service owners.

Ayon sa kanya, napag-usapan na may lilikhaing ordinansa para sa pagregulate sa nasabing sektor kung saan kailangan na rin ng mga owners na iparehistro ang kanilang negosyo para magkaroon na rin sila ng business permit at iba.

Sinabi niya na ito ay para maging ligal ang negosyo ng mga ito at mabigyan din ng protection ang kanilang mga riders.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, kailangan na ibigay na rin ng mga online delivery services owners ang pangalan ng kanilang mga riders upang agad na matukoy kung sakali na may reklamo mula sa kanilang mga customers.

Idinagdag pa ni Gauani na dapat din na professional ang lisensiya ng mga riders.

Subalit, sinabi niya na dahil sa panahon ng pandemniya ay binibigyan ng pagkakataon ang mga riders na may non-professional license na makakuha ng kanilang professional license.

Isa pa sa napag-usapan ay ang pagkakaroon ng mga riders ng health certificate na patunay na hindi sila PUM ng covid-19 kung saan ito ay sa weekly basis.

Sumang-ayon naman ang mga owners na sila na ang sasagot sa rapid test ng kanilang mga riders.

May kaakibat naman na multa sa mga lalabag sa nasabing ordinansa.