Nabisto ng mga otoridad ang pagawaan ng marijuana bricks at marijuana oil sa ikinasang search warrant operation sa bahay ng mag-biyenan matapos makumpiska ang nasa P3.4M halaga ng iligal na droga sa bayan ng Rizal, Kalinga.

Ayon kay PLT Marvin Pinading, deputy chief of police ng PNP-Rizal, narekober sa isang kwarto sa bahay ng mga lalaking suspek na edad 22 at 45 ang nasa 29.3 kilos ng marijuana bricks, dalawang tig-400 ML na bote ng marijuana oil at dried marijuana leaves na nagpositibo sa iligal na droga sa isinagawang pagsusuri.

Galing umano ang marijuana leaves sa Tinglayan Kalinga kung saan nagtatrabaho ang magbiyenan bilang construction worker na kanilang ipinupuslit sa kanilang bag ng paunti-unti at iniuuwi sa kanilang bahay para doon iproseso.

Dagdag pa ni Pinading na newly identified na High Value Target ang dalawa na nagbebenta ng naturang produkto ng marijuana sa Kalinga at kalapit na probinsiya.

Sa ngayon ay naisampa na ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act laban sa magbiyenan.

-- ADVERTISEMENT --