TUGUEGARAO CITY-Ikinukunsidera ng bantay bigas na krimen sa mga magsasaka ang Executive Order (EO) No. 135 o pagbaba ng taripa sa bigas mula sa ibang bansa, kahit hindi kabilang sa Association of Southeast Asian Nations na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Cathy Estabillo, tagapagsalita ng Bantay Bigas, lalong maghihirap ang mga magsasaka dahil magiging mababa ang pagbili sa kanilang aning palay sa kabila ng mataas na production cost.
Sa nasabing EO, lahat ng imported rice na pasok sa in-quota ay ginawa ng 35 percent ang taripa mula sa dating 40 percent kung kaya’t posibleng magresulta ito ng pagbaba ng farmgate price sa palay.
Aniya, aabot sa P90 bilyon ang posibleng malugi sa 2.7milyon na magsasaka sa bansa kung tuluyan itong iimplementa.
Sinabi ni Estabillo na hindi nakakatulong sa mga magsasaka ang inilabas na EO sa halip, ito ang tuluyang magpapabagsak sa mga magsasaka.
Una na aniyang naghirap ang mga magsasaka dahil sa Rice liberalization law at muli na namang dinagdagan ng gobyerno kung kaya’t mas lalong hindi na makakabangon ang mga magsasaka sa kanilang pagkakalugmok.
Hindi rin aniya nakatulong ang RLL dahil hindi naman nababa ang presyo ng bigas sa merkado na umaabot pa rin sa P38 per-kilo.
Kaugnay nito, sinabi ni Estabillo na kakalampagin ng kanilang grupo ang senado at kongreso na gumawa ng resolusyon na hindi matutuloy ang implementasyon ng naturang EO.