Maaaring abutin ng ilang buwan bago maibalik sa Pilipinas si dating Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co kung tututulan niya ang kanyang deportation at maghahain ng asylum sa Czech Republic, ayon sa mga eksperto sa international law.

Ayon din sa kanila, mas mapapabilis ang pagbabalik ng dating mambabatas kung magkakaroon ng maayos na diplomatikong negosasyon ang dalawang bansa, lalo na’t walang extradition treaty ang Pilipinas at Czech Republic.

Sinabi ni Atty. Ralph Sarmiento na ang pinakamabilis na paraan para maibalik si Co sa Pilipinas ay sa pamamagitan ng deportation, na karaniwang tumatagal ng mas mababa sa dalawang linggo — kung hindi siya mag-aapela sa desisyon ng Czech foreign police.

Sa ilalim ng batas ng Czech Republic, kinakailangang maglabas ang pulisya ng desisyon ukol sa administrative deportation sa loob ng pitong araw mula nang simulan ang proseso.

Kung nais itong iapela, dapat itong gawin sa loob ng limang araw.

-- ADVERTISEMENT --